Skip to main content

Kalusugan ng Mga Buto at Kasu-kasuan

Patuloy na nagbabago ang iyong mga buto at kasu-kasuan. Habang tumatanda ka, mas nagiging hindi balanse ang prosesong ito. Posible itong mauwi sa osteoporosis at rheumatoid arthritis (RA).

Mga Butong May Osteoporosis

Sa kabuuan ng iyong buhay, sumasailalim ang iyong mga buto sa proseso ng pagpapanibago. Ibig sabihin, naaalis ang mga lumang buto. Pagkatapos, nabubuo ang bagong buto para palitan ito. Dahan-dahang nagaganap ang bone loss o pagnipis ng buto habang umeedad. Gayunpaman, bumibilis ito kapag menopause na ang isang babae at kaunti na ang estrogen na nagagawa niya.

Mas mababa ang density o mas mahina ang mga butong may osteoporosis. Wala sa balanse ang proseso ng pagpapanibago. Nagiging marupok ang mga buto, at posibleng mabali ang mga ito.

Habang hindi nagiging balanse ang natural na proseso ng pagpapanibago sa iyong katawan sa pagtanda, mas malamang ang pagkakaroon ng osteoporosis. Patuloy na nasisira ang lumang buto. Gayunpaman, sa osteoporosis, mas kaunti ang nabubuong bagong buto para palitan ito. Nagdudulot ito ng mababang density ng buto. Nagreresulta ito sa marupok na buto na may mas mataas na posibilidad na mag-fracture.

Menopause at Osteoporosis

Puwedeng maapektuhan ng osteoporosis ang mas matatandang babae. Lubos na nakakaapekto ang estrogen sa bilis ng pagnipis ng buto o bone loss. Kaya pinakamadalas ang osteoporosis sa mga babaeng nag-menopause na. Nakakatulong ang estrogen sa pagkontrol sa proseso ng pagpapanibago ng mga buto. Gayunpaman, habang dumaraan sa menopause ang mga kababaihan, bumababa ang antas ng estrogen. Nakakaapekto ito sa balanse ng mga cell na nag-aalis ng mga buto, at mga cell na gumagawa ng mga buto. Sa pagtanda, nakakapagdulot ng malulubhang injury ang mahihinang buto. Kaya mahalaga na ipasuri ang kalusugan ng buto mo pagkalampas ng edad 50.

Pagsusukat sa Mineral Density ng Iyong Buto

Inirerekomenda sa mga nag-menopause nang babae edad lampas 50 na ipasuri ang kanilang mga buto. Ang pangunahing pagsusuri para sa osteoporosis ay ang pagsusuri sa mineral density ng buto. Ang mineral density ng buto ay ang dami ng mineral sa iyong mga buto, gaya ng calcium. Kung mas mababa ang density ng iyong buto, mas porous o mas magaan ang iyong mga buto. Puwede kang bigyan ng iyong doktor ng bone mineral density scan. Puwede ka rin niyang papuntahin sa ibang lokasyon para sumailim dito. Depende kung saan ka nakatira, puwede kang tulungan ng iyong planong pangkalusugan na mag-set up ng bone scan sa bahay.

Pagkontrol sa Rheumatoid Arthritis

Sa unang tingin, parang mahirap aralin kung paano kontrolin ang RA.

Pero sa pamamagitan ng pag-unawa sa iyong diagnosis, matutulungan ka nitong kontrolin ang iyong kalusugan. Walang gamot sa RA. Gayunpaman, makakatulong sa iyo ang ilang opsyon sa paggamot para makontrol ang sakit at manatiling aktibo. Makipag-usap sa iyong doktor. Alamin ang tungkol sa mga paggamot na ito.

Mahalagang masimulan ang paggamot pagkatapos na pagkatapos ma-diagnose. Makakatulong itong maiwasan ang pangmatagalang pinsala sa iyong mga kasu-kasuan at mapabuti ang pangkalahatan mong kalusugan.

Paano Tina-target ng Rheumatoid Arthritis ang Mga Kasu-kasuan

Sa karamihan ng mga pagkakataon, isang pangmatagalang kondisyon ang RA. Nagdudulot ito ng pamamaga ng mga kasu-kasuan. Nagreresulta ito sa kirot at paninigas. Dahil dito, mahirap kumilos at gumawa ng mga pang-araw-araw na gawain.

Ang bawat kasu-kasuan sa katawan ang nagsisilbing tagpuan ng mga dulo ng dalawang buto. Cartilage ang nagkokonekta sa mga buto at synovium ang bumabalot sa bawat kasu-kasuan. Ito ang uri ng tissue na nakakatulong sa banayad na paggalaw ng mga buto sa kasu-kasuang iyon.

Sa RA, namamaga at kumakapal ang synovium. Napipinsala nito ang cartilage at ang buto. Pinapahina rin nito ang mga kalapit na muscle. Pinapahina rin nito ang mga litid (tendon) na nagkokonekta ng mga muscle sa buto. Dahil dito, mahirap ang paggalaw. Sa ilang pagkakataon, nasisira ang porma ng mga kasu-kasuan dahil sa sobrang pamamaga.

Karaniwang naaapektuhan ng RA ang maliliit na kasu-kasuan sa mga kamay at paa sa parehong panig ng katawan. Pero puwede nitong maapektuhan ang iba't ibang kasu-kasuan, kabilang ang mga sumusunod:

  • Mga Bukungbukong (Ankle)
  • Mga Siko
  • Mga Balakang
  • Mga Tuhod
  • Leeg
  • Mga Braso
  • Mga Galang-galangan (Wrist)

Mga Karaniwang Paggamot

Kinakailangan ang mga sumusunod sa pag-diagnose ng RA:

  • Isang pagsusuri sa katawan,
  • Mga posibleng blood test
  • Mga scan gaya ng mga X-ray, MRI, o ultrasound

Kapag na-diagnose na, layunin ng paggamot sa RA ang mga sumusunod:

  • Mabawasan ang pamamaga
  • Maibsan ang mga sintomas gaya ng kirot o pamamaga
  • Maiwasan ang pangmatagalang pagkasira ng kasu-kasuan

Walang iisang paggamot ang epektibo para sa lahat ng pasyente. Marami ang posibleng magbago ng kanilang paggamot kahit isang beses lang. Ang isang disease-modifying anti-rheumatic drug (DMARD) ang karaniwang unang gamot na inirereseta para sa RA.

Maraming puwedeng gawin ang mga may RA para makontrol ito. Puwedeng maging mataas ang kalidad ng buhay ng mga taong may RA. Gayunpaman, kung may RA ka, dapat mo itong aksyunan. Mahalagang inumin ang lahat ng gamot ayon sa kung paano inireseta ang mga ito. Mahalaga ring magkaroon ng kontrol at magsalita. Sabihin sa iyong doktor kung nagdudulot ng anumang side effect o problema ang iyong mga gamot.

Ang maulan at malamig na panahon ay maaaring magdulot ng paninigas at pamamaga ng iyong mga kasu-kasuan.

Napakahalaga ng kalusugan ng mga buto, lalo na sa pagtanda. Sa osteoporosis, nasisira ang mga buto. Bagama’t karaniwan ang osteoporosis, puwede itong maiwasan.

Makipag-ugnayan sa Amin

Kailangan ng tulong? Narito kami para sa iyo.

Makipag-ugnayan sa Amin
Huling Na-update Noong: 12/4/2020