Tinatawag na "silent killer" ang altapresyon. "Silent" ito dahil puwedeng mayroon ka nito nang hindi mo alam. "Killer" ito dahil sinisira nito ang iyong katawan.
Alam mo ba na isa sa tatlong tao na nasa hustong gulang ay may altapresyon? At marami sa kanila ang hindi ito alam. Marami ring tao ang nag-aakalang kontrolado nila ang presyon ng kanilang dugo sa pamamagitan ng mga gamot, pero ang totoo ay hindi nila ito kontrolado.
Bakit Mo Kailangang Kontrolin ang Presyon ng Iyong Dugo?
Pinapataas ng altapresyon ang mga posibilidad mong magkaroon ng iba't ibang problemang pangkalusugan. Ang ilan sa mga problemang ito ay ang mga sumusunod:
- Stroke
- Sakit sa puso
- Pagpalya ng puso
- Sakit sa bato
- Pagkabulag.
Ano ang Normal na Presyon ng Dugo?
Ang normal na presyon ng dugo ay 120/80 pababa. Maraming bagay ang puwedeng makaapekto sa presyon ng dugo mo. Pero kung ang normal mo ay lampas 120/80, posibleng may altapresyon ka na, o posibleng malapit ka nang magkaroon nito.
Paano ko papanatilihing normal ang presyon ng dugo ko?
- Kung naninigarilyo ka, itigil na ito.
- Maging aktibo. Subukang maging aktibo sa loob ng hindi bababa sa 30 minuto kada araw. Ang paglalakad ang isa sa pinakamagagandang paraan para maging mas aktibo.
- Huwag masyadong kumain ng maaalat na pagkain.
- Bawasan ang caffeine (kape, tsaa, mga soft drink).
- Kumain ng hindi bababa sa limang serving ng prutas at gulay kada araw.
- Magkaroon ng malusog na timbang. Tanungin ang iyong doktor kung ilan dapat ang timbang mo. Kung kailangan mong magpapayat, gawin ito nang dahan-dahan sa pamamagitan ng pagkain nang tama.
- Iwasang ma-stress.
- Inumin ang iyong gamot. Kung umiinom ka na ng mga gamot para sa altapresyon, tiyaking wala kang lalaktawang anumang dosis.
- Makipag-usap sa iyong doktor para alamin ang higit pa tungkol sa peligro mong magkaroon ng altapresyon.
Source: OSF Saint Francis Medical Center
Bisitahin ang WebMD para sa higit pang impormasyon.